Tuesday, June 14, 2016

Araw ng Kalayaan ng mga Pilipino


Araw ng Kalayaan

Araw ng Kalayaan ay isa sa mga taunang pagdiriwang sa Pilipinas na ginaganap tuwing Hunyo 12 bilang pag-alala ng Pamamahayag ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Isa itong Pambansang Araw ng pagdiriwang sa Pilipinas. Iniwagayway ang Watawat sa Araw ng Kalayaan ng mga Pilipino.

Ang araw ng paggunita ng kasarinlan ay nag-iba-iba sa buong kasaysayan ng bansa. Ang pinakaunang tala ay noong 12 Abril 1895, kung kailan tumungo sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Guillermo Masangkay, Aurelio Tolention, Faustino Manalak, Pedro Zabala at iba pang mga Katipunero sa Kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal upang tanggapin ang mga bagong kasapi ng Katipunan. Sinulat ni Bonifacio ang Viva la independencia Filipina! o Mabuhay ang kasarinlan ng Pilipinas sa pader ng kuweba upang ipahayag ang layunin ng lihim na samahan. Namuno din si Bonifacio sa Sigaw sa Pugad Lawin na siyang naghudyat sa Rebolusyong Pilipino. Dito pinunit ng mga kasapi ng Katipunan sa pamumuno ni Bonifacio ang kanilang mga sedula bilang pagtutol sa pananakop ng mga Kastila.

Noong 1896 ay sumiklab ang Rebolusyong Pilipino at noong Disyembre 1897 ay nagkasundo ang mga mananakop na Kastila at mga rebolusyonaryo sa ilalim ng Kasunduan sa Biak-na-Bato. Bilang pagsunod sa kasunduan, pinatapon sa Hong Kong sina Emilio Aguinaldo at iba pang mga pinuno ng himagsikan.

Sa pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano, naglayag si Komodoro George Dewey mula Hong Kong patungo sa Look ng Maynila at pinamunuan ang iskuwadra ng Hukbong Pandagat ng Amerika. Noong 1 Mayo 1898 ay nagapi ni Dewey ang Hukbong Dagat ng mga Kastila sa Labanan sa Look ng Maynila, na siyang nagtapos sa pamumuno ng Kastila sa Pilipinas. Sa buwan ding iyon ay inihatid ng Hukbong Dagat ng Amerika si Aguinaldo pabalik ng Pilipinas.[2] Nakarating si Aguinaldo sa Cavite noong 19 Mayo 1898 at tinipon ang mga puwersang rebolusyonaryo. Bandang Hunyo 1898 ay inisip ni Aguinaldo na magpahayag ng kasarinlan upang bigyan ng lakas ng loob ang mga taong-bayan na labanan ang mga Kastila at gayundin upang himukin ang ibang mga bansa na kilalanin ang kasarinlan ng Pilipinas.

Noong 5 Hunyo 1898, naglabas si Aguinaldo ng isang kautusan na nagtatakda sa 12 Hunyo 1898 bilag araw ng pagpapahayag ng kasarinlan. Pinamunuan ni Aguinaldo ang nasabing kaganapan sa kaniyang tirahan sa Kawit, Cavite na noon ay kilala bilang Cavite El Viejo. Ang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino ay taimtim na binasa ng patnugot nito na si Ambrosio Rianzares Bautista, na nagsilbing tagapayo sa digmaan ni Aguinaldo at kaniyang espesyal na delegado. Ang kapahayagan na naglalaman ng 21 pahina ay nilagdaan ng 97 mga Pilipino, na tinalaga ni Aguinaldo, at isang retiradong opisyal ng artilerya ng hukbong Amerika na si Koronel L.M. Johnson. Ang watawat ay opisyal na winagayway sa unang pagkakataon bandang 4:20 ng hapon, habang pinapatugtog ng banda ng San Francisco de Malabon ang Marcha Nacional Filipina.

Ang proklamasyon noong 1 Agosto 1898 ay niratipika ng 190 mga pangulo ng bayan mula sa 16 mga probinsya na kontrolado ng hukbong rebolusyonaryo. Muli itong niratipika noong 29 Setyembre 1898 ng Kongreso ng Malolos.

Ngunit hindi kinilala ng ibang mga bansa, maging ng Estados Unidos o ng Espanya, ang kasarinlan ng Pilipinas. Kinalaunan ay sinuko ng Espanya ang kapuluan ng Pilipinas sa Estados Unidos sa ilalim ng Kasunduan sa Paris. Hindi kinilala ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas ang kasunduan at kinalaunan ay nagpahayag ng digmaan laban sa Amerika.

Sa ilalim ng Kasunduan sa Maynila ay pinagkaloob ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Pilipinas noong 4 Hulyo, 1946. Ang petsa ng 4 Hulyo ay pinili ng Estados Unidos dahil ito ang petsa ng Araw ng Kalayaan ng Estados Unidos, at ang petsang ito ay ginugunita din sa Pilipinas bilang kaniyang Araw ng Kalayaan hanggang 1962. Noong 12 Mayo 1962, naglabas si Pangulong Diosdado Macapagal ng Proklamasyon ng Pangulo Blg 28, na siyang nagtatakda sa 12 Hunyo bilang natatanging pista opisyal sa buong Pilipinas, "... bilang paggunita sa kapahayagan ng sambayanan sa kanilang likas at di-mapagkakait na karapatan sa kalayaan at kasarinlan.[7]" Noong 4 Agosto 1964 ay isinabatas ang Batas Republika Blg 4166 na nagtatakda sa 4 Hulyo bilang "Araw ng Republika ng Pilipinas", sa 12 Hunyo bilang "Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas", at hinihimok ang lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na gunitain ang huling nabanggit ng naaayon.

No comments:

Post a Comment

Richard N. Cabile

All about myself. Everything I know I will teach you.

Read more..

My Motto in Life: Time is Gold.